(PARA SA MGA PASAWAY KONG KAIBIGAN)
NOTE: THE COMIC VERSION (kindly refer here for the original version)
May isang kwentong natatago, ngunit pinahahalagahan. Ito’y isang kwento na nagsimula sa isang kakaibang paraan ngunit nagbunga upang maging isang napakagandang bagay na maaring mangyari sa isang tao. Ang kagandahan nito ay nakakalito ngunit mayroong mga bagay na mas mabuting hindi maunawaan upang mas mabigyang halaga.
Sa pagdaan ng panahon, ang mga pangyayari sa kwentong ito ay nanatiling napakalinaw na para bang ang bawat bahagi nito ay paulit ulit na binabasa hanggang sa ang bawat kaliit liitang detalye ay nanatili sa pinakamalalim na bahagi ng kaisipan. Ang kahalagahan nito ay inalagaan at iningatan na parang isang bagay na walang kapantay; isang bihirang pangyayari sa buhay na hindi maaaring ipagpalit sa kahit ano pa man.
Ito ay isang kwento na nabuo mula sa mga bagay na imposible. Ito ay isang matibay na katunayan tungkol sa dalawang tao na tunay na magkaiba at magkalayo, ngunit sa nag-iisa at napakaliit na pagkakataon na maaring hindi na maulit pa, mayroong isang napakagandang bagay na maaaring mabuo.
Ito ay tungkol lamang sa isang kakaibang pagkakaibigan na nagsimula sa biro, pinagsamahan nang magkalayo, pinagtibay sa kabila nito, at pinagpatuloy hanggang sa dulo. Simple lang, ngunit hindi ito ordinaryo. Sa kwentong ito ay may natatagong kakaibang pagkakaugnay na maaaring manatiling misteryo hanggang sa katapusan.
Kahit kakaiba ang kwentong ito, nanatili ito sa alaala sa napakahabang panahon. At kahit pa nga sinasabi ng ibang tao na katangahan ang paniniwala sa bagay na gaya nito, nanatili pa rin itong katotohanan.
Kung tutuusin ang kwentong ito ay maaaring manatiling walang kahit isang kamalian. Ngunit kahit na ang mga kamangha-manghang kwento ay mayroon ding depekto. At kagaya ng lahat ng bagay, nagkaroon din ng mga problema sa kwentong ito. Nagkaroon ng mga pangyayari na hindi mahalaga at napagkamalang mga bagay na mas makapagpapaganda pa sa isang bagay na sa una pa man ay perpekto na. Nakakalungkot man, napatunayang ang mga pangyayaring ito ay walang kaugnayan sa kabuuan ng kwento.
Hindi naman masasabing pagkatapos ng pangyayaring na halos hindi na rin naman nangyari, ay nasira na ng tuluyan ang buong kwento. Ngunit para sa isang tao na pinahalagahan ang ganitong kwento, sapat na ang pangyayaring ito upang pagdudahan ang katotohanan ng isang napakagandang pagkakaibigan.
Unti unting lumabo ang mga bahagi ng kwento. Noon ay kasindali ng abc ang pag-alala dito, ngunit dumating ang pagkakataong kahit ang mga salita ay naging malayo upang maipaliwanag kung ano ang nangyari sa kwento.
Kung ito ay isusulat muli, ang mga bahaging hindi kanais-nais ay hindi na isasali. Dahil ang pangyayaring iyon ang nagbigay daan upang maging hindi kapani-paniwala ang buong kwento. Ngunit kung babalikan ang pagkakataon kung saan ang lahat ng pangyayari ay walang kasingganda, lagi itong nagbibigay ng kakaibang pakiramdam ng kasiyahan. At maaaring tanging ang pakiramdam na ito lang ang tanging bagay na mananatili hanggang huli.
Ang pagtitiwala sa kwentong ito ay masasabing hindi tama at tanda ng kawalan ng karunungan. Ipinipilit ng ibang tao na masyadong maganda ang kwentong ito para maging totoo. Sa kabila nito, nagdudulot pa rin ito ng mga ngiti sa pagalala dito…isang kwento na paulit ulit pa ring binabasa sa kabila ng mga depekto nito.
Ito ba ay isa lamang talagang kwento? Maaari. Ngunit kung aking titingnan, ang maaaring ito ay isa nga lamang kwento, ngunit ang pagkakaibigan sa kwentong ito ay totoo.
a translation of "A Beautiful Myth"
Tuesday, September 9, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Thanks for dropping by =)